Maraming awit ng pagsinta
ang dati nang nalikha,
ang atin ba'y
tapos na?
Marahil ay hindi pa.
Dahil patuloy pa rin
ang paglikha,
ang paglapat ng tunog,
ritmo at halina.
Sasaliwan pa marahil
ng gitara o piyano.
Maaari ding sabayan
ng biyolin o pluta.
Di pa natin batid
kung gaano kahaba ---
kung may pasakalye
o may korong inuulit sa tuwina.
At ang titik...
Paano nga ba itutugma
ang mga salita sa tamang nota?
Basta.
Sapat na sa ngayon
na sabay tayong
lumilikha.
At umaasang
sabay nating aawitin
kung ito ay nalikha na.
Ambiguity
16 years ago
No comments:
Post a Comment